Tuesday, February 12, 2008

Kung Hanggang Tula Lang Ako

Puting lapida itong pintong papel.
Tuwing dadalaw ka, nagkakapangalan
Ang pangungulila, nahahawi
Ang mga agiw na napagkit sa mga ukit.
Tila umiingit na bisagra ang mga salita
Kapag pinatutuloy ang mga ito;
Sumisilip naman ang mataas na sinag,
Tila balaraw na nilaslas ng dilim
Na nakalupasay sa sahig.
Minsan, nagmumulto ang puntod.
Pinangangatog and tuhod.
Ngunit muli akong ipapanatag
Ng katotohanang nakapinid na
Ang ngiti ng lugod,
Nakahimlay na ang damdaming
Nagpatibok sa puson.
Sa ganitong tagpo, lalong
Lumalawak ang giwang ng pinto.
Sapagkat sa bawat katok ng mga salita
Nauulinigan ko ang iyong
Mga impit na halinghing at bulong;
Sa bawat tulos ko ng taludtod,
Pumapatak sa diwa ang malalapot na gunita;
At kapag naitundos ko ang imahen,
Nakukuyom ko kahit
Ang balangkas ng iyong anino.
Kaya unawain mo ako
Kung ito lang ang kayang gawin.
Sapagkat tula lang ang naaangkin.
At dito ka lang nagiging akin.


Richard R. Gappi, “Kung Hanggang Tula Lang Ako”, Philippine Collegian Literary Folio 1997-98, p 43

No comments:

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails